Saturday, June 23, 2012

Silip ng Panaginip


by dedem
            
          Kay ganda ng aking umaga! Nasilayan ko na naman si “Kaci Y.H..” sa mundo kong tanging ako lang ang nakakaalam. Nanghihila na naman ang higaan at ang mga unan. Nang-eengganyo sa muling pagtanaw sa magandang mukha ng kaisa-isang babaeng nakakapagpangiti sa matatamis kong mga labi. Siguro naghihintay na naman siya sa pagbisita ko sa kanyang palasyo.

            “Oie! Hudah!” sigaw ni Dolps. 8:30 na pala ng umaga. Huli na ako sa klase ko sa Math 17. Di na ako naligo at dali-daling tumakbo para pumara ng tricycle. Huli na naman ako, mabuti na lang matagal dumating ang prof namin kung kaya safe ulit ako ngayon. Nabagot na naman ako kay ma’am. Natulog na lang ako.

            “Hudah.”

            Naririnig ko na naman ang tinig ni Kaci Y. H.. Hanggang ngayon misteryo pa rin sa akin ang kanyang apelyido at middle name. “Nagkita na naman tayo,” bungad ko sa kanya. Ngumiti lang siya. Nakakapanggigil na talagang tanungin siya sa kung ano ba talaga ang kanyang apilyedo at middle name. Di na ako nakapagpigil. Lakas loob akong nagtanong, “Ano ba talaga ang ibig sabihin ng Y at H?”. Lumipas ang ilang sandali bago siya umimik.

            “Ya at Ha….”
            “Huds, Huds, Huds! Si ma’am!” wika ng isang maliit na boses
            “Anong Ha?” tanong ko kay Kaci.
            “Mr. Sundayez!” alingawngaw ng isang galit na galit na boses.

            Nagising ako at bumalik sa dati kong huwisyo. Nakita ko ang nag-iinit at namumulang mukha ni ma’am. Muntik na niya akong palabasin. Buti na lang nasagutan ko ang kanyang mga katanungan. Nagpasalamat ako kay Edo at kay Eca sa pagbigay nila ng mga sagot. Natapos na rin sa wakas ang Math 17. Umuwi na ako sa dorm sapagkat alas kwatro pa ng hapon ang susunod kong klase. Walang pasok sa Hist 1, Chem 16 Lec at Lab. Inanyayahan ko sina Drew, Eca, Edo at Dolps na maglaro ng Dota sa bayan pero tumanggi sila. Wala akong nagawa kundi magmukmok sa loob ng dorm.

            Napagpasiyahan kong bisitahin muli ang aking prinsesa. Natulog ako.

Nakita ko siyang umiiyak sa isang tabi. Tinanong ko siya kung ano ang nangyari ngunit di siya sumagot. Bigla niya akong niyakap. Ang pagkakadaiti ng aming mga katawan ay nakapagdulot ng kakaibang enerhiyang hindi ko mabigyan ng pangalan. Tumagos sa aking kaloob-looban ang hinagpis na kanyang nararamdaman. Nagsimula na rin siyang magsalita.

“Hiwalay na sina mama’t papa. Ayaw na nila sa isa’t-isa,” basag niya sa katahimikan. Hinigpitan ko ang pagyakap sa kanya. Hindi na lang ako nagtanong. Buong maghapon siyang nagkwento sa masalimuot na yugto ng kanyang buhay. Di ko napigilan ang pagdaloy ng mga luha sa aking pisngi lalo na ang kanyang pagiging “NBSB” o “No Boyfriend Since Birth”. “NGSB rin ako o No Girlfriend Since Birth,” tugon ko naman. Bigla na lang siyang kumalas sa pagkakayakap ngunit dama ko pa rin ang init sa buo kong katawan. “Hapon na pala!” sambit ko nang magising ako at mapuna na 3:30 na sa aking relo. Dali-dali akong naligo.

Naglelektyur lang si ma’am. Paliit nang paliit na ang pagbuka ng aking mga mata. Di ko rin kinaya at nakatulog ako. Muling namuno ang kadiliman. Naririnig ko na naman ang tinig ni Kaci “Parating na ako,” sabi niya. Bigla na lang akong nasilaw sa pagdaan ng isang tumatakbong ilaw na dagli ring nawala. Unti-unting umuusbong ang mga boses sa kung saan, palakas nang palakas. Luminaw ito at nakilalang boses ng aking mga kaklase. Kinukunan na pala nila ako ng litrato at tapos na ang PE.

Lumipas ang isang linggo at di ko na rin siya napanaginipan. Bigla akong nagulat nang may sumulpot na babae sa aking likuran at kamukhang-kamukha nito si Kaci. Tinanong ko ang pangalan niya. “Maria ang tawag nila sa akin,” tugon niya. Naputol ang aming pag-uusap nang tawagin siya ni ma’am sa pangalang “Kaci”. Nabigla ako! Nagpakilala siya sa buong klase.

“Ako si Kaci Y. Han o Kaci Ya Han pero mas kilala akong Maria sa amin. Hindi ko pa naranasang magkanobyo. Lumipat ako dito dahil naghiwalay ang aking mga magulang. Di na kaya ni mama na pag-aralin kami sa isang mamahaling unibersidad.”

Di ako makapaniwala sa mga narinig ko. Ang babaeng nasa panaginip ko ay nasa tabi ko na ngayon. Di ko na kailangang matulog para makita siya. Di na ako makatulog sanhi ng pagsasabuhay at pagkakatotoo ng aking panaginip. Dalawang taon na kaming mag-asawa at ito ang kuwento ng aming pag-ibig.  Libre lang ang mangarap at managinip… ■

No comments:

Post a Comment