Saturday, June 23, 2012

STRIKE BACK!

ni Angeli Louise T. Cando



Magiging abnormal na naman ang takbo ng pamantasan sa mga susunod na araw at buwan. Mawawalan na naman ng mga pasok sa ilang mga klase at muli ay tinatawagan ang lahat na lumabas sa silid-aralan at muling sumigaw sa kalsada upang igiit ang karapatan sa edukasyon at serbisyong panlipunan.

Matapos na maranasan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang mahigit isang bilyong kaltas sa pondo noong nakaraang taon, na siyang pinakamataas na kaltas sa buong kasaysayan ng pamantasan, ngayong taon ay walang habas na inulit ng pamahalaan ang pagkakaltas sa pondo nito. Sa pangkabuuan, Php800 M ang bawas sa pondo ng UP para sa susunod na taon. Kinaltasan naman ng Php250.9 M ang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenditures (MOOE) ng 40 State Universities and Colleges (SUCs), Php403.3 M para sa sahod ng mga kawani at muli, wala ni isang SUC ang makakatanggap ng pondo para sa Capital Outlay para sa susunod na taon.

Maliban sa malaking kaltas sa pondo para sa mga SUCs, nananatili namang napakababa ang inilalaang pondo ng pamahalaan para sa sektor ng kalusugan. Php44.4 B lamang ang inilaang pondo nito para sa taong 2012, hindi man lamang nangalahati sa Php90 B na aktwal nitong pangangailangan at Php440 B na rekomendasyon ng UNESCO para sa serbisyong pangkalusugan.

Sa kabila ng panibagong banta sa karapatan, hindi nanahimik ang mga kabataan. Kung gaano kaalerto at kabilis na naipasa ng Department of Budget and Management (DBM) ang budget para sa 2012, ganoon din naman kaagap ang mga kabataan sa pagtugon at pagtutol nito. Ngunit sa halip na tugunan ng pamahalaan ang mga lehitimong daing ng mga kabataan at mamamayan na dagdag-pondo, panlilinlang pa ang isinagot nito. Ayon kay DBM Secretary Butch Abad, wala raw budget cut sa mga SUCs, dinagdagan pa nga raw ng 10% ang pondo ng mga ito.

Kung susuriin, ang sinasabing dagdag na 10% ay hindi naman direktang matatanggap ng mga pamantasan dahil ang pondong ito ay laan para sa ibang mga institusyon tulad ng CHED. Pilit pang pinagtaktakpan ng DBM ang katotohanang kinaltasan nila ang pondo ng mga SUCs.

Sinasabing hindi na raw praktikal ang paghingi ng dagdag na subsidyo dahil wala di-umanong pera ang gobyerno. Ngunit ito ay isang kasinungalingan dahil sa katotohanan, limpak-limpak ang pera ng pamahalaan na kung ilalaan lamang nang tama ay hindi na kailangang tapyasan ng malaking halaga ang edukasyon at serbisyo sosyal. Para sa taong 2012, mas pinahalagahan ng gobyerno ni Aquino ang mga sumusunod na ahensya’t programa: Php738.57 B para sa Debt Servicing, Php107.9 B para sa DND (+Php3.2 B), Php39.5 B para sa CCT (+10.3 B), Php22.1 B para sa PPP (+Php7.1 B) at Php161 B para sa Unprogrammed Funds o “Pork Barrel” ng Pangulo (+Php95 B).

Habang walang pera ang gobyerno sa pambili ng libro at medisina, sobra-sobra naman ang pondo nito sa pambili ng baril at bala pati na rin sa extrang pabaon para sa kurakot.

Ano mang paikut-ikot at gawing mga pagtatanggi’t  panlilinlang ng pamahalaan na walang budget cut sa mga SUCs, sa aktwal ay malinaw ang tunay na kalagayan. Hindi maitatanggi ang tunay na tunguhin ng pamahalaan na tuluyan ng abandonahin ang pinansyal na responsibilidad nito sa edukasyon at sa mga batayang serbisyong panlipunan.

Ang edukasyon ay karapatan ng bawat mamamayan hindi dahil ito ay nasa ating konstitusyon kundi dahil ito ang ating pundasyon upang umunlad at yumabong sa buhay. Bagkus, may responsibilidad ang pamahalaan na bigyan ito ng paunang prayoridad.

Ang muling malalaking tapyas sa mga batayang serbisyo sosyal katulad ng edukasyon at kalusugan ay mas magpapatindi sa krisis na nararanasan ng mga mag-aaral at kabataan sa pamamagitan ng mga panibagong pagtataas sa matrikula, pangungolekta ng mga samu’t saring bayarin at pagpapaupa ng mga natiwang-wang ng mga lupain ng pamantasan sa mga negosyante’t pribadong sektor na nagpapakipot sa accessibility ng higher education sa mga maralitang kabataan.

Sa muling pagkakaltas sa pondo ng edukasyon at serbisyo sosyal, mapipilitang tunguhin ng mga institusyong ito ang mundo ng komersiyo upang mapondohan lamang ang mga pangangailangan. Sa ganitong mukha, unti-unting malilihis ang pamantasan at mga pampublikong institusyon palayo sa mahalagang papel na ginagampanan nito sa mamamayan – ang magbigay ng dekalidad at abot-kamay na serbisyo para sa lahat. Unti-unting mawawala ang pampublikong karakter nito na makapagbigay ng serbisyo sa pinakamalawak na hanay ng mga naghihikahos na mamamayan. Unti-unti ring mailalayo sa mga mamamayan ang karapatang marapat lamang na kanilang natatamasa.

Malinaw sa gayon ang tunguhin ng “Matuwid na Daan” ng kasalukuyang Administrasyon ni P-Noy. Ito ay matuwid na daan tungo sa komersyalisasyon at pribatisasyon ng ating mga pamantasan at batayang serbisyo sosyal. Ito ay matuwid na daan patungo sa mas matinding krisis at patungo sa kumunoy ng mas matindi pang kahirapan.

Sa kasalukuyang kalagayan ng unibersidad at ng lipunan, maraming dahilan upang tayo ay muling magkaisa’t lumaban at magkasa ng STRIKE. Malinaw na may krisis sa edukasyon at sa lipunan kaya napapanahon ang maigting na pagkilos ng mga mamamayan! Ang STRIKE ay isang pagkilos upang pansamantalang itigil at iparalisa ang anumang operasyon sa ating pamantasan. Ang STRIKE ay ang pinakamataas na porma ng pagtutol na maaaring gawin sa loob ng mga unibersidad at lugar ng paggawaan kasama ang iba pang mga sektor sa loob at labas ng pamantasan.

Naipasa na sa Lower House, nang walang kahit na anong pagbabago, ang 2012 National Expenditures Program (NEP) ng Administrasyon Aquino at tinatanaw ang malaking posibilidad na ito ay matatapos na bago pa man matapos ang buwan ng Nobyembre sa taong ito.

Mga Iskolar ng Bayan, muli na naman tayong tinatawag ng panahon upang magkaisa, militanteng kumilos at makiisa sa buong mamamayan. Oras na upang muling gumuhit ng kasaysayan. Oras na upang muli nating pandayin, kasama ang iba pang mga sektor sa ating lipunan, ang isang lipunan na mas malaya, malayo sa pang-aapi at pananamantala at isang lipunang hindi bingi sa hinaing ng mga mamamayan. Oras na upang iwaksi ang kaisipang walang magagawa ang ating pagkilos.

Sa panahon ng krisis, walang puwang ang pananatili sa panggitna at piliing manahimik at magsawalang-kibo na lamang. Ang hindi pagkilos sa gitna ng matinding pangangailangang manindigan at lumaban ay pagtalikod sa tungkulin at tunay na esensiya ng pagiging isang Iskolar ng Bayan at isang krimen sa mga mamamayan. Sa mga susunod na araw, aasahan ang daluyong ng mga kabataan at mamamayan. Dahil naka-strike 2 na ang administrasyong P-Noy sa pagkakaltas sa pondo ng mga pamantasan, oras na para tayo naman ang mag-STRIKE BACK.

 

No comments:

Post a Comment